Assalamu Alaykum.
Isang pagpupugay para sa mga kasapi ng 4th Infantry (Diamond) Division ng Cagayan de Oro at 901st (Fight 'Em) Brigade ng Surigao del Norte sa Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa tagumpay ng inyong operasyon sa pagtugis sa lider ng teroristang New People's Army na si Myrna Sularte alyas "Ka Maria Malaya".
Sa mahabang panahon, pasakit para sa maraming mga Pilipino lalo na sa Mindanao ang insurhensiyang pinangunahan ni Sularte. Siya ang itinuturing na isa sa mga matataas at importanteng bahaging CPP-NPA-NDF sa bansa.
Sa kalupitan at kawalang saysay ng digmaan ni Sularte ay ang hindi mabilang na mga biktima ng pagpaslang, pagdukot, torture at pananakot ng mga sibilyan - kasama na rin ang pag-armas sa mga menor de edad. Ang kanyang katapusan sa kamay ng ating mga magigiting na sundalo ay simula ng panibagong yugto para sa mga komunidad na dumanas ng kalupitan ng CPP-NPA-NDF.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang banta ng terorismo sa atin sa pamamagitan ng mga ahente ng insurhensiya na ngayon ay bahagi ng ating burukrasya. Agresibo sila sa pagpapalaganap ng baluktot na aydolohiya ng CP-NPA-NDF kasabay ng mga propaganda laban sa mga hadlang sa kanilang layunin.
Si Sularte ay bahagi lang ng problema natin sa insurhensiya. Kailangan pa rin nating maging mapagmatyag laban sa terorismo at kriminalidad. Lumaban tayo at tuluyang ibagsak ang CPP-NPA-NDF.
Mabuhay ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas!
Shukran.
SARA Z. DUTERTE Vice President of the Philippines