Search

VPSD Speech for the Gift-Giving in Binalonan

Gift-giving to 1,500 receipients

Date of Event: November 25, 2023 Venue: Ramon J. Guico Sr. Sports and Civic Center Binalonan

Assalamualaikum.

Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan. Magandang araw sa inyong lahat.

Unahin ko po muna ang aking mga pagpapasalamat. Unang-una po sa inyong lahat, maraming salamat po sa oras ninyo. Alam ko po lahat kayo may kailangang gawin, lahat kayo may pinagkakaabalahan, pero ibinigay niyo po ang inyong oras sa amin ngayong araw para po tayo ay makapag tipon-tipon at para po makapagbigay kami ng mensahe ng pagpapasalamat sa inyong lahat. Maraming salamat po sa oportunidad na ibinigay ninyo sa amin.

Pangalawa po ang aking pagpapasalamat sa local na pamhalaan sa probinsya ng Pangasinan, at sa lokal na pamahalaan sa Municipality of Binalonan sa kanilang pagtulong sa amin na mabuo ang program natin ngayong umaga. Maraming salamat po sa inyo.

At ang pangatlong pasasalamat ko ay sa ating Office of the Vice President Satellite Office dito po sa Pangasinan. Nagpapasalamat po kami sa ating mga personnel sa OVP Satellite Office na pinangunahan po ni former Mayor Brian Lim.

At syempre, nagpapasalamat din ako sa lahat ng kasamahan ko sa Office of the Vice President Extension Office sa kanilang tulong ngayong umaga na ito para sa iba’t ibang mga aktibidad dito sa Pangasinan.

Ang mga susunod na pagpapasalamat ko ay personal sa akin.

[STANDARD MESSAGE OF THANKS FOR THE VOTES FROM PREVIOUS ELECTIONS, SUPPORT FOR PRESIDENT FERDINAND MARCOS JR.’S 8-POINT SOCIOECONOMIC AGENDA, FOR THE SUPPORT DURING THE TERM OF FORMER PRESIDENT RODRIGO DUTERTE AND FROM THE DUTERTE FAMILY]

Maikli lang po ang mensahe ko ngayong umaga na ito dahil gusto ko lang naman po talagang tumayo sa harap ninyong lahat para magpasalamat. Tatlo lang po ang tema ng aking mensahe – una po, Kapayapaan. Pangalawa po, Edukasyon. Pangatlo ay aking personal na Christmas greetings para sa inyong lahat dahil malapit na po ang buwan ng Disyembre.

Una po sa kapayapaan, hinihikayat ko kayong lahat na ibigay ang inyong suporta sa gobyerno, sa atin pong mga konsehal, barangay officials, sa atin pong mga bagong pili dito po sa bayan ng Pangasinan. Dapat po nagkakaisa ang mga tao sa likod ng ating mga pinili na leaders sa ating mga lugar. Hinahangad ko po na magkaisa ang direksyon ng mga tao at gobyreno para po mayroong makita na tuloy-tuloy na kaunlaran sa ating mga kanya-kanyang komunidad. At kasama na rin diyan ang aking pakikiusap sa inyong lahat na huwag ninyong susuportahan ang mga tao na masama ang balak sa inyong komunidad tulad ng mga criminal, terorista, mga NPA, mga taong nagbebenta ng illegal na droga, mga swindler, mga scammer, at iba pa. Huwag po nating payagan na ang ganitong mga klase ng tao ay gumawa ng mga kalokohan sa ating mga lugar. Dapat po ang suporta natin ay nasa pamahalaan, sa Philippine National Police, sa atin pong Armed Forces of the Philippines, at sa iba pang lokal na departamento ng ating gobyerno kasama na po ang Department of Education. Ang pagkakaisa ng mga tao ay magbibigay ng katahimikan at kapayapaan. Gusto lang natin na tayo’y makapag-trabaho at makapag-negosyo na hindi tayo takot na mayroong gumawa ng masama sa atin. Gusto natin na makakapasok ang ating mga anak sa paaralan na hindi tayo takot na mayroong masamang mangyari sa kanila. Ang pagkakaisa po ng komunidad laban sa mga illegal na aktibidad ang magbibigay po ng katahimikan at kapayapaan sa inyong lugar.

Pangalawa po ay sa Edukasyon. Muli, humihingi po ako ng tulong ninyong lahat na ipaintindi sa ating mga anak ang kahalagahan ng edukasyon sa kanilang buhay. Ang edukasyon po ang makakapagbago ng kanilang buhay at sa kanilang kinabukasan.

Lahat po ng nakakausap kong kabataan, sinasabi ko sa kanila na “Education is the greatest equalizer.” Kunwari po graduate po tayong lahat sa umagang ito. Graduate tayo ng kursong nursing. Ang isa sa mga estudyante ay galing sa mayaman na pamilya, at isa ay galling sa pamilya na mahirap o medyo kapos sa kanilang pang araw-araw. Pagdating po sa graduation na ito ay pantay-pantay tayong lahat dahil pareho tayong nakapagtapos ng nursing. Ibig sabihin po niyan, walang mahirap dahil pareho tayo na may oportunidad na makapagtrabaho bilang isang nurse.

Ganyan po ang pagpapaliwanag ko sa ating mga anak at ating mga estudyante – ang kahalagahan ng edukasyon sa kanilang buhay. Oportunidad po para sa atin kapag sila po makapagtapos ng pag-aaral. Lagi nating ipaalala sa kanila na iyan po ang makapagbibigay ng matiwasay, masagana, masaya, at matatag na kinabukasan para sa kanila.

At ang panghuli po ay ang aking Christmas message sa inyong lahat. Sana ay ngayong pasko ay makasama ninyo ang mga mahal ninyo sa buhay at kasama ninyo ang inyong mga pamilya. Ang pasko po ay panahon ng pagpapatawad, sana ay mapatawad ninyo ang mga tao na nanakit sa inyo dahil po ay pasko ay para sa peace, love, and hope. At sana po ang bagong taon ay magdala sa inyo ng kasiyahan at kasaganahan.

Maraming salamat po ulit sa oras ninyo mga kababayan.

Patuloy po tayong maging MATATAG tungo sa isang Bansang Makabata at Batang Makabansa.

Ang lahat po ng ating ginagawa ay para sa Diyos, sa bayan, at sa bawat pamilyang Pilipino.

Shukran.